LIDER NG NPA SA WESTERN MINDANAO ARESTADO
ARESTADO ang isang mataas na lider ng New People's Army sa Western
Mindanao sa gitna ng pakikipagsagupa sa militar sa Barangay Villalba,
Tangub City sa Misamis Occidental noong Hunyo 29.
Nakilala ang lider-rebelde na si Dennis Paradero Rodinas alyas Dondon/
Demz, na nasukol ng pinagsanib na puwersa ng Army's 55th Infantry
Battalion at PNP 10th Regional Mobile Group.
Si Rodinas ang namumuno sa mga gerilyang kumikilos sa ilalim ng Section
Committee (SECOM) JOJI sa Misamis Occidental.
Nasamsam mula sa kanya ang ilang sangkap ng ekplosibo, laptop, cellular
phone, palmtop at mga subersibong dokumento.
Kasunod ng isinagawang custodial debriefing kay Rodinas, positibo siyang
itinuro ng testigo na nasa likod ng pagpaslang sa Cafgu member na si
Ernesto Gumilid noong Hunyo 15 sa bayan ng Clarin sa Misamis Occidental.
Nahaharap din siya sa kasong pagpatay at illegal possession of
explosives.
Sa Bukidnon, isang Ruben Tilocan y Guinumbay alyas Aban, at ang asawa
niyang si Merlyn Ticloan y Luis alyas Rosana, squad leader at miyembro
ng Front Committee 89, North Central Mindanao Regional Committee ang
nadakip ng mga elemento ng 43rd Military Intelligence Company at 8th
Infantry Battalion sa Barangay Iba, Cabanglasan Bukidnon noong Hunyo 28.
Nakuha mula sa kanila ang isang Cal 5.56mm M16 rifle at mga bala. #
|