Mga Pampasabog Nasamsam ng Philippine Army
PATULOY na nakakalamang ang Philippine Army sa mahigpit na pakikibaka sa
komunismo sa bansa kasunod ng pagkakasamsam ng ibat-ibang materyales ng
pampasabog sa isang abandonadong kampo ng New People's Army (NPA) sa
Sitio San Isidro, Brgy. Disulap, San Mariano Isabela noong Martes.
Narekober ng pinagsanib na puwersa ng 45th Infantry Battalion, Military
Intelligence Group, 52nd Military Intelligence Company, at Philippine
National Police (PNP) ang pitong piraso ng improvised anti-personnel
mines, explosive filler (ammonium nitrate na may langis), anim na
improvised anti-tank landmines na may explosive filler, isang improvised
hand grenade explosive filler, 1.5 kilo ng ammonium nitrate at 53
improvised shaped charge para sa landmine. Kasabay niyan ang
pagkakakubkob ng Philippine Army at PNP sa naturang kuta ng mga gerilya.
Nasa kustodiya na ng 45th Infantry Battalion ang mga narekober na
materyales sa pampasabog para sa kaukulang disposisyon habang patuloy
pang ginagalugad ng militar ang naturang lugar.
Mariing kinukondena ng Philippine Army ang walang puknat na paggamit ng
NPA ng landmine na isang maliwanag na paglabag sa umiiral na
International Humanitarian Law at ng Geneva Convention.
Walang pinipili ang NPA sa kanilang bibiktimahin, na sa paggamit ng mga
ekplosibo tulad ng landmine, hindi lamang ang mga sundalo ang
nabibiktima kundi ang mga inosenteng sibilyan o ang masa na inaangkin
nila na kanilang ipinaglalaban.
Ang isang anti-tank explosive ay sapat na para mawasak ang isang Armored
Personnel Carrier (APC) ng militar habang ang isang anti-personnel mine
ay kayang pumaslang ng halos tatlumpung tao sa isang pagsambulat lamang.
#
|