Frontliners ng Philippine Army hahasain sa mga bagong istratehiya kontra
insureksyon
Doble-kayod ngayon ang Hukbong Katihan ng Pilipinas para sa ikatatamo ng
layuning masawata ang insureksyon sa bansa.
Isa sa mga susi sa tagumpay ng kampanya ng militar ay ang hasain pa sa
mga bagong istratehiya at malawak na impormasyon ang mga opisyal at
miyembro ng Army.
Para kay Army Chief Lt. Gen. Delfin Bangit, ang isang sundalo na
disiplinado, may kakayahan at alam ang kanyang ginagawa ay mabisang
sandata kontra sa mga kalaban ng estado.
Sa katunayan ay ikinasa na ng Army ang Company Commanders Seminar
Workshop na ilulunsad sa lahat ng yunit ng militar sa buong bansa.
Bahagi pa rin ito ng umiiral na Training Program ng Philippine Army
upang mapa-alalahanan, mahikayat at mapuno ng kasanayan, lalo na ang
hanay ng frontliners tulad ng company commanders na mabigat din ang
papel sa Internal Security Operations ng organisasyon.
Nakatuon ang Company Commanders' Seminar-Workshop ngayong taon sa temang
"Instilling Sense of Urgency to the Frontlines to Defeat the CTM by
2010."
Personal na haharap sa naturang seminar si Lt. General Bangit na unang
gaganapin sa 10th Infantry Division sa Davao upang ipaunawa rin ang
kahalagahan ng pagkilos ng lahat para suportahan ang layunin ng ISO ng
Armed Forces of the Philippines sa tinatarget na pagkapilay ng komunismo
sa 2010.
Tinatayang 459 company commanders ang lalahok mula sa ibat-ibang
infantry division ng Army, kabilang ang nasa hanay ng Special Operations
Command, Light Armor Division, Army Artillery Regiment, Engineering
Brigades at Military Intelligence Battalions.
Samantala, tuluy-tuloy din ang dayalogo at konsultasyong binuksan ng
liderato ng Army upang masuri ang kapabilidad at matugunan ang hinaing
ng kasundaluhan. #
|