Hukbong Katihan patuloy ang panalo sa kampanya kontra insurhensiya
Dumagdag sa hanay ng mga sumusuko ang panibagong dalawamput-pitong
miyembro ng New People's Army (NPA) sa magkakahiwalay na insidente sa
bansa.
Para kay Army Chief Lt. General Delfin N. Bangit, maituturing itong
magandang senyales sa ikatatamo ng misyon at target ng organisasyon na
pilayan ng husto ang puwersa ng komunistang grupo sa susunod na taon.
Bunsod na rin ng umiiral na Social Integration Program ng gobyerno at
matapos matauhan sa hindi makatwiran at mapanlinlang na pagtrato ng
komunistang samahan, dalawang rebeldeng NPA ang sumuko sa pinagsanib na
puwersa ng 77th Infantry Battalion, 5th Military Intelligence Battalion,
501st Infantry Brigade at PNP Apayao.
Nakilala ang mga ito na sina Victor M Gamongan at Aventino Bo-at Aniling,
kapwa miyembro ng Northern Front, Kilusang Rehiyon Hilagang Silangan
Luzon na isinuko rin ang kanilang dalawang M16 rifle at isang kalibre 30
Browning Automatic Rifle.
Isa ring Ricky Zulueta, team leader ng Team 2, Squad 1 (ABE) ng Armadong
Yunit Propaganda (AYP), ang nagbalik-loob sa pamamagitan ng mga tauhan
ng 47th Infantry Battalion sa Brgy. Aglanot, Dumarao, Capiz.
Inamin ni Zulueta na sangkot siya sa pag-atake sa istasyon ng pulisya sa
Tubungan, Ilo-ilo at engkuwentro sa militar. Sumuko rin si Jonnel Porras,
team leader ng Team 2, Squad 2 (BAKING) at sabit sa pambobomba sa Globe
cell site sa Bgy. Codingle.
Isa pang team leader ng Southern Mindanao Regional Committee ang sumuko
sa Brgy. Leon Garcia, Davao City na nakilalang si Panfilo D. Kantao Jr.
Sa Sogod, Cebu, hindi na rin natiis ng komunistang lider na si Jaime
Tatoy ang hirap sa NPA kaya sumukong bitbit ang kanyang caliber .357
revolver at mga bala.
Bukod sa mga ito, may 20 pang dating NPA rebel ang sumuko sa 19th
Infantry Battalion sa Burawen, Leyte. #
|