Panibagong terorismo sa Mindanao napigilan ng Army
Napigilan ng Philippine Army ang panibagong serye ng madugong terorismo
ng mga bandido sa Mindanao kasunod ng pagkakadiskubre ng ibat-ibang
sangkap ng Improvised Explosive Device (IED), mga bala at iba pang
pampasabog sa magkakahiwalay na insidente.
Sa ulat sa punong tanggapan ng Hukbong Katihan, isang bala ng 81mm
mortar ang narekober ng tropa ng 6th Explosive Ordnance Division sa Wena
Bus Terminal sa Cotabato City noong Hulyo 11.
Sa naturang araw din ay nasamsam ng mga elemento ng 6th Explosive
Ordnance Division, AFP K9 team kasama ang Task Group Tugis ang isang
flare red signal star parachute handheld rocket sa kanto ng Rosales St.
at Oblate Drive, sa Cotabato City.
Nadiskubre pa ng joint intelligence operations ng 6th Infantry
Battalion, 36th Military Intelligence Company, 38th Infantry Battalion (CAFGU)
at Cotabato PNP ang isang improvised explosive device na gawa sa
ammonium nitrate, gasolina at detonating cord na may bateryang nakalagay
sa isang kahong iniwan malapit sa Daiwan detachment ng 38th Infantry
Battalion (CAFGU). Dadalhin umano sana ang naturang bomba sa Cotabato
City.
Samantala, isang may-ari ng tindahan ang agad na nagsumbong sa mga
awtoridad hinggil sa presensya ng kahina-hinalang kahon na iniwan sa
kanyang puwesto sa Tampalisan Public Market sa Tampalisan, Zamboanga del
Norte. Nang inspeksyunin ng mga awtoridad ay nakita ang isang IED sa
loob nito na gawa sa dalawang rounds ng projectile ng rocket-propelled
grenade, blasting caps, batteries, alarm clock at wire.
Isa pang kaduda-dudang bagahe ang iniwan sa Ipil Integrated Bus Terminal
sa Zamboanga Sibugay na nadiskubre sa kalaunan na may lamang dalawang
Uzi Machine Pistols na may dalawang magazines.
Narekober naman ng mga tauhan ng 57th Infantry Battalion ang tatlong
hand grenades at isang 105mm ammunition sa boundary ng Brgy. Bacong at
Brgy Batang sa bayan ng Tulunan sa Cotabato City.
Sa Sulu, nasamsam ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Army at
Philippine National Police ang ibat-ibang war materiel tulad ng isang
M60 Light Machine Gun, ITHACA Cal .45 pistol, isang tube ng M203 grenade
launcher, limang hand guards para M16 rifle, labing-anim na rifle buffer
springs at apat na rifle bolts kasunod ng isinagawang pagsalakay sa
pinaniniwalaang kuta ng Abu Sayyaf Group.
Tiniyak ng Philippine Army na mananatiling mapagmatyag at nakatutuok sa
pambansang seguridad sa lahat ng pagkakataon laban sa posibleng
pagsasamantala ng mga terorista na bumibiktima ng mga inosenteng
sibilyan. #
|