Isang Dekadang Serbisyo tungo sa Makabuluhang Pagbabago

Akda ni Melody B Galap, Research Analyst, Strategic Communication Branch, AGSMO

 

Sa pagpitik ng oras kasabay ng paglipas ng panahon, hindi namamalayan ng isang indibidwal ang natatanging kontribusyong ibinabahagi niya sa organisasyon na kanyang kinabibilangan. Isang dekada na ang nakalilipas ngunit dahil sa bugso ng sariling determinasyon na magsilbi sa mamamayang Pilipino, siya ay aktibong naninilbihan pa rin upang makapagbahagi ng kanyang kakayahan tungo sa makabuluhang pagbabago.

Taong 2013 nang pumasok bilang isang empleyadong sibilyan sa Opisina ng G5 o ang Office of the Assistant Chief of Staff for Plans si Ms. Abigail D. Salvania. Nagtrabaho siya bilang Research Analyst (RA) sa sangay ng Force and Structure Development kung saan tumulong siya sa pagpaplano at pagpapabuti sa force structure o istruktura ng Hukbong Katihan ng Pilipinas. Noong 2016, siya ay naging regular na empleyado sa nasabing opisina bilang Planning Officer II sa ilalim ng sangay ng Program Development. Sa sangay na ito inilalatag at pinapriyoridad ang mga plano at proyekto ng buong Katihan sa loob ng anim na taon.

Sa katunayan, hindi ito ang una niyang trabaho pagkatapos niyang mag-aral sa kolehiyo. Hindi inaasahan ni Ms. Salvania na makakapasok siya sa Hukbong Katihan. Nais lamang niya na maging isang empleyado sa kahit anong ahensiya ng gobyerno upang makapaglingkod sa kapwa Pilipino at sa taong-bayan. Ayon sa kanya, ang paninilbihan sa gobyerno ang isa sa mga konkretong paraan para magawa niya ito.

Sa simula ng kanyang mahabang lakbayin sa OG5, naramdaman ni Ms. Salvania na ito ay isang mapanghamong karanasan dahil may reputasyon ang opisina na pagsusumikap para sa kahusayan o striving for excellence. Kasama ang bawat miyembro ng opisina, walang araw na hindi nagbasa at nag-aral si Ms. Salvania tungkol sa sistema at gawain ng organisasyon. Ilan sa mga paksa na kanilang inaral ay ang pagbabalangkas ng estratehiya, pagbuo ng istruktura ng organisasyon, pagtukoy ng mga modernong kagamitan, at pagpapabuti ng mga sistema ng buong organisasyon. Ang kanilang mga kaalaman ang naging sandata nila para makasunod sa mapanghamong trabaho. Kahit na mahirap, hindi ito naging hadlang sa pagbibigay niya ng kalidad na serbisyo.

Ilan sa mga hamong nakaharap niya sa trabaho ay kung paano maipaparating sa mga kawal Pilipino at sa pangkalahatang publiko ang mga programang ipinapatupad ng Hukbong Katihan dahil wala silang working arms upang tumulong sa kanila na ipamahagi ang kanilang layunin at mga programa. Idagdag pa rito ang katotohanang ang pagbabagong dulot ng isang plano ay hindi agad na nararamdaman sa pang-araw-araw na buhay. Nararamdaman na lamang ito sa pagdaan ng panahon, kapag nakikita na ang mga resulta nito.

Ayon sa kanya, gumagawa ng plano at proyekto ang OG5 para ilapat sa anim na taong implementasyon. Mula rito, ang mga planong ito ay sinusuri nila taon-taon upang tingnan kung paano ito mas mapabubuti para tumugma sa kailangan ng Hukbo at sa kasalukuyang modernisasyon. Ang pagsasagawa ng plano ay hindi ganoon kadali. Nangangailangan ito nang masusing pagsusuri upang hindi masayang ang pagod at oras na inilaan sa pagbuo rito; nagpapatunay na ang tungkulin nina Ms. Salvania ay hindi biro.

“Matagal bago mo makita ang resulta ng isang plano and along the way ay may mga pagbabagong nagaganap,” saad ni Ms. Salvania.

Ang plano ay mahirap patunayan kapag hindi nararamdaman ng mga Pilipino. Ngunit worth the wait ika nga nila. Ang dating pinaplano lang sa papel, ngayon ay naipapatupad na. Isa sa makabuluhang naitulong ni Ms. Salvania ay ang pakikibahagi niya sa pagbuo ng mga planong sumasabay sa modernisasyon gaya na lamang ng paggamit ng makabagong armas at sasakyan o trak ng kasundaluhan. Hindi man ramdam ang agarang resulta ng mga planong kanilang ipinapatupad, sa oras na nakikita na ng mga tao ang positibong resulta nito, ito ay masasabing tagumpay hindi lang para sa OG5 kundi tagumpay ng buong organisasyon.

Nagtagal si Ms. Salvinia sa OG5 dahil nasaksihan niya ang pagbabagong unti-unting inaabot ng Hukbong Katihan. Pumasok siya sa organisasyon nang nagsisimula pa lamang ang implementasyon ng Army Transformation Roadmap (ATR). Namangha siya sa katotohanang hinahangad ng Hukbo ang pagbabago para sa mapayapang lipunan. Isa pang rason sa kanyang pagtagal sa naturang opisina ay dahil sa mga opisyal ng militar at enlisted personnels na kanyang nakasama. Naramdaman niyang nakalaan ang buong atensyon at puso nila sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin. Isa siyang saksi sa unti-unting pag-unlad ng Hukbong Katihan. Natutuwa siya na nais nitong magbago at mapabuti ang pagseserbisyo, mula sa mga negatibong komentong ibinabato rito.

Ayon kay Ms. Salvania, ang plano ang nagbibigay ng direksyon sa Hukbong Katihan patungo sa pagbabagong nais nitong makamit.

Kagaya ng ibang mga opisinang may mga dakilang empleyado, si Ms. Salvania ay nagsilbi at magsisilbi pang “institutional memory” hindi lamang sa OG5 kundi sa buong organisasyon ng Hukbong Katihan. Tunay na maituturing siyang isang dakila dahil sa dedikasyon at kalidad na trabahong kanyang ibinibigay.

“Sinasalamin ng Hukbong Katihan ang puso kong nais maglingkod,” pagwawakas ni Ms. Salvania.

 

Image
Image
REPUBLIC OF THE PHILIPPINES
  • All content is in the public domain
  • unless otherwise stated
ABOUT THE ATR 2040
  • Learn more about the Army
  • Transformation Roadmap, how it
  • works, and the people behind it.
CONTACT US