301st Infantry Brigade at RTF-ELCAC 6, nagsagawa ng Panay Peace Summit 2022

Akda ng 301st Engineer Brigade, 3rd Infantry Division

 

Sa patuloy na paghina ng puwersa ng mga kalaban ng estado partikular na ang Communist Terrorist Groups (CTGs) na kinabibilangan ng Communist Party of the Philippines, New People’s Army, at ng National Democratic Front (CPP-NPA-NDF), lalong lumaganap ang kanilang panlilinlang at pag-recruit sa mga kapwa nating Pilipino. Ito ay tanda lamang ng kanilang desperadong pamamaraan upang mapunan ang kanilang lumiliit na hanay. Gayunpaman, ang Hukbong Katihan ng Pilipinas ay patuloy sa pagtataguyod ng tungkuling protektahan at ipagtanggol ang mga mamamayan laban sa banta ng kaguluhan at karahasan. Pangunahing binabalikat nito ang dekadang laban kontra insurhensiya at terorismo sa ating bansa. Katunayan, sa paglipas ng panahon ay marami ng estratehiya at plano ang naisagawa upang mabuwag ang mga naturang kaliwang grupo.

Sa isla ng Panay at Guimaras, naging layunin ng 301st Infantry “Bayanihan” Brigade sa ilalim ng 3rd Infantry “Spearhead” Division, Philippine Army (301IBde, 3ID, PA) ang maging kahanay sa tagumpay ng Hukbong Katihan ng Pilipinas at mag-ambag sa ikatatamo ng mithiin nitong maging isang “ARMY 2040: WORLD-CLASS. MULTI- MISSION READY. CROSS-DOMAIN CAPABLE.”

Kaisa ang 301IBde sa pagsulong ng mga adhikain at programang nagpapatatag sa ating mga kasundaluhan upang magampanan ang mga tungkuling nakaatang sa kanila. Ang 301IBde ay kaagapay ng pamahalaan sa paghahatid ng mga pangunahing serbisyo sa ating mga kababayan lalo na ang mga nakatira sa kabundukan o ang tinatawag na Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDAs). Ang mga programa at proyekto tulad ng Youth Awareness Symposium, Peace Concert and Gift-giving to Indigenous People (IP) Community, Livelihood Seminars, Walk for Peace and Indignation Rally, at mga iba’t ibang Infrastructure Projects ay ilan lamang sa mga ipinatupad noong nakalipas na taon.

Noong taong 2018, isinabatas ang Executive Order No. 70 (EO 70) na syang dahilan sa pagkatatag ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Nabuo ito para matiyak ang mahusay at epektibong pagpapatupad ng Whole-of-Nation Approach at ng Whole-of-Government Approach na naging daan upang mahikayat at bigyang pagkakataon ang lahat ng sektor ng komunidad at ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno na makibahagi at maging aktibong kasapi sa pakikipaglaban, pagsugpo ng insurhensiya at terorismo, at pagpapanatili ng kapayapaan.

Kaisang-diwa sa layuning ito ang isinagawang Panay Peace Summit (PPS) 2022 noong ika-3 ng Disyembre 2022 na ginanap sa Iloilo National High School, Lapaz, Iloilo City. Ang programang ito ay pinangunahan ng Peace, Law Enforcement, and Development Support (PLEDS) Cluster, partikular na ang 301IBde, Police Regional Office VI (PRO6), at ang Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict VI (RTF- ELCAC VI).

Gamit ang temang “Naghili-ugyon nga Panaynon para sa Kalinong (Nagkakaisang Panaynon para sa Kapayapaan),” ang PPS 2022 ay dinaluhan ng mahigit isang libong kalahok mula sa sektor ng mga kabataan, mga dating tagasuporta ng CTG mula sa mga munisipalidad ng New Washington, Tapaz at Tubungan, mga Lokal na pamahalaan, at mga kinatawan mula sa sumusunod na ahensya ng gobyerno: Department of Education (DepEd), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Justice (DOJ), Commission on Higher Education (CHED), National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Labor and Employment (DOLE), at Philippine Coast Guard (PCG).

Isiniwalat ng mga imbitadong tagapagsalita ang katotohanan hinggil sa mapanlinlang na karakter ng mga CTG na kinabibilangan ng CPP-NPA-NDF at mga tagasuporta nito at paglalantad ng napakaraming patibong ng insurhensiya kasama na ang pangangalap ng mga kabataan upang mapunan ang bumababang bilang ng mga NPA at maging parte ng teroristang grupo.

Ang pinakaunang PPS ay inilunsad noong taong 2020 sa Passi City, Iloilo at sinundan ng isa pa sa Tapaz, Capiz subalit bahagyang natigil ng isang taon dahil sa COVID-19 pandemic. Sa pagbabalik nito ngayon, patuloy ang layunin ng programang ito na wakasan ang 54 na taong karahasan at walang katuturang madugong pakikibaka lalo na sa Isla ng Panay at Guimaras sa pamamagitan ng pagbibigay ng plataporma sa paglalahad ng katotohanan.

Sa pag-unlad ng teknolohiya, ginagamit ng mga CTG ang social media para isulong ang kanilang mga propaganda sa pagpapalakas ng recruitment, indoktrinasyon, at radikalisasyon sa mga kabataan.

Dahil rito, ang PPS ay nag-imbita ng mga kabataan mula sa mga probinsya ng Iloilo, Capiz, Aklan, Antique at Guimaras, at mga dating tagasuporta ng CTG upang makinig sa mga testimonya nina Alma L. Gabin, dating Education Secretary ng Eastern Visayas Regional Party Committee ng NPA; Jeffrey “Ka Eric” Celiz, dating kadre ng CPP-NPA-NDF; Jeisel Ann Castin, dating rebelde; at Ms. Relissa Santo Lucena ng Yakap ng Magulang Movement. Matapang na ibinahagi ng mga tagapagsalita ang kanilang mga kaalaman at personal na karanasan tungkol sa mga kalupitan at panlilinlang ng mga CTG sa mga kabataan kasunod ang pagpapakilos sa mga ito sa lansangan at mga kabundukan bilang mga armadong manlalaban. Partikular na ibinahagi ni Ms. Lucena ang sakit na kanyang naranasan dulot ng pagkamatay ng kanyang anak dahil sa kagagawan ng mga CTG.

Samantala, nagpaabot naman ng pasasalamat si BGEN MARION R SISON, Commander ng 301IBde, sa lahat ng mga kalahok, stakeholder, at mga peace partners na naging bahagi sa matagumpay na pagsasagawa ng Summit. Ang pangatlong PPS na ginanap sa Iloilo City ay nagpapakita hindi lamang ng mithiin ng mga mamamayan na makamit ang kapayapaan kundi pati na rin ang kanilang nagkakaisang pagtalikod sa CTG.

Walang hahambing sa pagtataksil at pandaraya kundi ang pagtuturo sa mga Pilipino na patayin ng walang katuturan ang kanilang kapwa Pilipino. At walang higit pa na mas masakit para sa isang magulang kundi ang mawalan ng anak lalo na sa isang pakikibakang walang ibang layunin kundi ang maghasik ng takot, lumikha ng kaguluhan, at wakasan ang tunay na demokrasya. Kaya naman, ang 301IBde, kasama ang mga nasasakupang batalyon at mga operational units, ay patuloy sa paghahatid ng serbisyong totoo sa mga mamamayang nasasakupan nito. Nagtatrabaho rinnitong maging mabisang katuwang ng pamahalaan sa adhikaing makamit ang inklusibo at mapanatili ang kapayapaan sa pamamagitan ng walang humpay na pagtugis at pagsugpo sa mga teroristang grupo tungo sa matatag na Hukbong Katihan ng Pilipinas.

Image
Image
REPUBLIC OF THE PHILIPPINES
  • All content is in the public domain
  • unless otherwise stated
ABOUT THE ATR 2040
  • Learn more about the Army
  • Transformation Roadmap, how it
  • works, and the people behind it.
CONTACT US