Puso Para sa Pilipino: Pagsaklolo ng mga Sundalo sa Panahon ng Kalamidad

Akda ni Pvt Adriel M Paglinawan PA, OACPA

 

Sa gitna ng trahedya’t sakuna, isa ang mga sundalo sa mga agarang sumasaklolo. Isa itong tungkulin na kanilang sinumpaan na kahit maging buhay ay kanilang iaalay alang-alang sa kaligtasan ng bayan at mga mamamayan.

Sa mga kalamidad na humagupit sa bansa noong nakaraang taon, naroon ang mga sundalo at laang kawal (reservists) ng Hukbong Katihan na taos puso at buong tapang na sinuong ang panganib upang iligtas ang ating mga kababayan.

Sa pagpasok nga lang ng kasalukuyang taon, ang kasundaluhan at mga laang kawal ay naglunsad ng humanitarian assistance and disaster response (HADR) operations upang iligtas ang mga pamilyang sinalanta ng malawakang pagbaha sa Silangang Visayas.

Sa kasamaang palad, isang sundalo mula sa 8th Infantry Division (8ID) ang nagbuwis ng kanyang buhay habang ginagampanan ang kanyang tungkulin bilang miyembro ng Search and Rescue Team sa bayan ng San Isidro, Northern Samar.

Nasawi si Cpl. Jerry Palacio, 34 taong gulang, ng 43rd Infantry Battalion ng Philippine Army matapos siyang tangayin ng malakas na agos habang siya ay patungo sa mga komunidad na sinalanta ng malawakang pagbaha na bunsod ng low pressure area at shear line na humagupit sa Silangang Kabisayaan.

Hindi lamang sa pagbaha sumasaklolo ang mga sundalo at laang kawal, maging sa mga lindol at paghagupit ng bagyo, nandoon ang mga sundalo na kaagapay ng mga mamamayan na nangangailangan ng agarang tulong at ayuda. 

Magnitude-7 na lindol sa Abra

Naging abala ang mga sundalo mula sa 5th Infantry Division (5ID) at 7th Infantry Division (7ID) at mga laang kawal upang tulungan at magbigay ng ayuda sa mga nasalanta ng malakas at mapanirang lindol na tumama sa hilagang Luzon noong ika-28 ng Hulyo 2022.

Iniligtas ng mga sundalo ang mga pasyente sa isang ospital sa Bangued, Abra matapos yanigin ng malakas na lindol ang Hilagang Luzon. Hindi alintana ang malalakas na aftershocks, tumulong rin ang mga sundalo at laang kawal sa pamamahagi ng ayuda sa mga nasalantang komunidad sa rehiyon ng Ilocos at sa mga bulubunduking komunidad sa Cordillera. 

Buong loob ring sinuong ng mga sundalo at iba pang responders ang panganib upang linisin ang mga guho at malalaking tipak ng bato na humambalang sa mga kalsada sa  bulubunduking bahagi ng Abra at iba pang bahagi ng Cordillera.

Paghagupit ng Bagyong “Agaton” sa Leyte

Ang bagyong Agaton ang unang bagyong humagupit sa bansa noong Abril ng nakaraang taon. 

Puspusang iniligtas ng mga sundalo, pulis at iba pang kawani ng gobyerno ang mga sinalanta ng malawakang pagbaha na dulot ng nasabing bagyo. Kaagapay ng mga sundalo ang K-9 units at Army engineers sa pagtunton ng labi ng mga nabaon sa makapal na putik na rumagasa mula sa mga kabundukan ng Baybay, Leyte. 

Naging abala rin ang mga sundalo ng 3rd Infantry Division (3ID) sa pagayuda sa mga komunidad na lubhang sinalanta ng pagbaha sa mga bayan ng Iloilo, Negros Occidental, at Negros Oriental sa Rehiyon 6 at 7.

Paghagupit ng bagyong “Karding”

Naglunsad ng malawakang HADR efforts ang mga sundalo at mga laang kawal
para sa mga sinalanta ng bagyong “Karding” noong huling linggo ng Setyembre 2022. 

Matatandaan na hinagupit ni Karding, isa sa pinakamalakas na bagyong tumama sa bansa ang mga probinsya ng Aurora, Nueva Ecija, at Tarlac sa Gitnang Luzon at Rizal at Quezon naman sa Timog Luzon.

Ang 7th Infantry Division, 2nd Infantry Division, 5th Infantry Division at 525th Engineer Combat Battalion ng 51st Engineer Brigade ay nagpadala ng mga tropa upang magbigay ayuda at tulungan ang mga komunidad na lubhang nasalanta ng bagyo.

Samantala, ang Army Aviation Regiment naman ay naglunsad ng aerial inpsections upang makita ang lawak ng pinsala na dulot ng bagyo sa mga komunidad sa Aurora at Nueva Ecija. 

Bagyong Paeng

Bilang suporta sa HADR operations ng Hukbong Katihan, nagbaba ng mahigit dalawang milyong pisong suporta ang Hukbong Katihan bilang tulong sa HADR operations na isinagawa ng mga sundalo bilang tugon sa paghagupit ng bagyong “Paeng” noong Oktubre 2022.

Ang Hukbong Katihan ay nakalikom rin ng pagkain at iba pang tulong na kayang pumuno ng 224 na trak para sa mga nasalanta ng bagyong “Paeng.” Ang mga ayudang ito mula sa mga indibidwal at iba-ibang grupo ay ipinamahagi ng mga sundalo at laang kawal sa mga lugar na lubhang hinagupit ng bagyo.

Pagkawala ng eroplano sa kabundukan ng Sierra Madre sa Isabela

Katuwang ng mga pulis at iba pang kawani ng lokal na pamahalaan ang mga sundalo ng 95th Infantry Battalion, 5th Infantry Division na puspusan ang ginawang pag-galugad sa kabundukan ng Sierra Madre sa Divilacan, Isabela upang mailigtas ang limang pasahero at isang pilotong lulan ng eroplanong nawala sa nasabing lugar noong ika-24 ng Enero 2023.

Hindi alintana ang masamang panahon at patuloy ang mga sundalo upang maisalba ang nawawalang anim na katao mula sa panganib.

Matatandaang naglaho ang nasabing eroplano makaraang lumipad mula sa Cauayan Airport sa Isabela noong hapon ng ika-23 ng Enero 2023.

Pagpapalakas sa disaster response units ng Hukbong Katihan

Sa paglalayon na mas mapaibayo at mapainam pa ang HADR operations ng Hukbong Katihan, patuloy na pinauunlad ng pamunuan ng hukbo ang kakayanan at kapabilidad ng mga sundalong kasapi sa Army disaster response units.

Matatandaan na pinalawak ng hukbo ang pagsasanay para sa mga sundalong kabilang ng Disaster Response Units. Naglaan din ng mas malawak na pagsasanay para sa mga laang kawal na nagsisilbing “force multipliers” ng mga sundalo sa kanilang pagresponde sa mga kalamidad saan mang panig ng bansa.

Image
Image
REPUBLIC OF THE PHILIPPINES
  • All content is in the public domain
  • unless otherwise stated
ABOUT THE ATR 2040
  • Learn more about the Army
  • Transformation Roadmap, how it
  • works, and the people behind it.
CONTACT US